Bumagsak sa kamay ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang most wanted criminal ng siyudad sa patuloy na pagpatupad ng “Oplan Lambat Sibat “ ng pulisya.
Sa report ni Supt. Marlo Martinez kay QCPD Director Chief Supt. Joel D. Pagdilao, kinilala ang suspek na si Manny Limjoco, 39, tubong Pangasinan at naninirahan sa 13th Avenue, Barangay Socorro, Quezon City.
Isa si Limjoco sa most wanted persons ng Lungsod sa District Level at siya rin itinuturong pinuno ng Limjuco group na kumikilos sa Metro Manila.
Dakong 12:30 kamakalawa ng hapon nang makarating ang impormasyon na ang suspek ay nasa kanilang lalawigan at agad isinagawa ang pagsalakay ng mga awtoridad sa tapat ng botika sa may Carmen Avenue, Rosales, Pangasinan.
Armado ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Rosa Samson ng Quezon City Regional Trial Court Branch 105, hindi na nakapalag si Limjoco nang posasan ng mga operatiba sa pamumuno ni Insp. John Wayne Versosa.
Nabatid pa sa pagsisiyasat ng pulisya na ang grupo ni Limjoco ay sangkot sa ilang insidente ng panloloob at pagtutulak ng droga. Nahaharap din ang suspek sa kasong murder, ayon sa pulisya.