ISULAN, Sultan Kudarat – Iniulat na nasakote habang sakay sa tricycle ang sinasabing nagtatag ng Justice Islamic Movement (JIM) at leader sa mga operasyon ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na si Mohammad Ali Tambako sa Barangay Calumpang sa General Santos City, dakong 9:00 ng gabi nitong Linggo.

Kasamang naaresto ni Tambako, nasa hustong gulang, sina Datukan Sato Sabiwang, Ali Valley Ludisman, Mesharie Edio Gayak, Abushama Badrudin Guiamel, Hansela Omar at Ibrahaim Manap Kapina.

Isinagawa ang operasyon sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Regional Trial Court (RTC)-Branch 15, Cotabato City acting Presiding Judge George Jabido para sa kaso ng pagpatay at dalawang bilang ng bigong pagpatay.

Napaulat na nakuha mula sa pag-iingat ng mga nadakip ang tatlong granada at dalawang baril.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Pansamantalang nakakulong ang pito sa himpilan ng General Santos City Police, at napag-alaman sa ulat na dadalhin ang grupo sa Cotabato City.

Ang grupong JIM ang hinihinalang nagkakanlong sa teroristang si Bassit Usman, na nakatakas sa pagsalakay ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015.

Bagamat naaresto sa operasyon ang isa pang tinutugis ng pulisya na si Zulkifli Bin Hir, alyas Marwan, nasawi naman sa engkuwentro sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at BIFF ang 44 na tauhan ng SAF, ilang kasapi ng MILF at ilang sibilyan. (Leo P. Diaz)