COTABATO CITY - Naglunsad ng fund drive ang mga opisyal ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) upang matulungan ang libu-libong nagsilikas bunsod ng inilunsad na all-out offensive ng militar laban sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Ayon sa ulat, umabot na sa 13 munisipalidad ang naapektuhan simula nang ilunsad ang opensiba laban sa BIFF na nagresulta sa paglikas sa mga government evacuation center ng 19,075 pamilya o 93,402 indibidwal.
Naapektuhan din ng kaguluhan ang klase sa 42 paaralan, na roon nagaaral ang 16,000 elementary at high school student.
Tinaguriang “Tabang Sibilyan, Isulong ang Kapayapaan,” sinabi ni ARMM Governor Mujiv Hataman na target ng relief and peace advocacy campaign ang makapagbigay ng pagkain at tulong medikal sa mga naapektuhang residente.
Kada linggo, gumagastos ang pamahalaan ng ARMM ng P12 milyon para sa food pack ng mga evacuee, bukod pa ang gastusin sa iba pang uri ng ayuda at kagamitan para sa relief operations.
Sinabi ni Hataman na posibleng magtagal ang kampanya laban sa mga bandidong BIFF sa Maguindanao hanggang Hunyo o higit pa.
Nangangamba si Deputy Executive Secretary John Louie Balagot sa posibilidad na kapusin ang pondo ng regional government dahil sa pagdami ng nagsilikas sa mga evacuation center. - PNA