Umapela ang kampo ni Makati City Mayor Jejomar Erwin Binay sa Department of Interior and Local Government (DILG) na hintayin na lang ang pasya ng Court of Appeals (CA) sa hirit nilang temporary restraining order (TRO) kaugnay ng anim na buwang suspensiyon na inilabas ng Office of the Ombudsman laban sa alkalde at sa 14 iba pa kaugnay ng kontrobersiyal na Makati City Hall Building 2.
Ito ang pakiusap ni Atty. Rico Quicho, tagapagsalita ng pamilya Binay, upang maiwasan ang posibleng kaguluhan lalo dahil libu-libong tagasuporta ng alkalde ang nagkampo sa labas ng munisipyo apat na araw na ang nakalilipas simula nang maglabas ng suspension order ang Ombudsman.
Mistulang piyesta ang eksena sa Makati City Hall matapos bumaha ng pagkain at naghanda ng entertainment program, tulad ng zumba dance exercise at libreng panonood ng pelikula ng yumaong Fernando Poe Jr., para sa mga tagasuporta ng alkalde habang inaantabayanan ang pagsisilbi ng suspension order.
Ngayong Lunes, inaasahan ng kampo ni Mayor Binay ang pagsisilbi sa suspension order ng kinatawan ng DILG.
Umaasa si Quicho na magpapatuloy ang koordinasyon ng DILG at ng tanggapan ni Mayor Jun-Jun para sa gagawing implementasyon ng kautusan ngayong araw.
Maaari umanong sumiklab ang kaguluhan at hindi maiwasang magkainitan ang DILG at supporters ng alkalde kung hindi hihintayin ang desisyon ng CA, bagay na hindi mapanghawakan ng kampo ni Binay ang magkakaibang pananaw at isipan ng mga nagbi-vigil.
Bagamat ayaw pangunahan ng abogado ang desisyon ng CA, sakaling hindi pumabor ang desisyon ng korte ay pag-aaralan ng kampo ni Binay ang panibagong hakbang laban sa suspension order.