Matapos umani ng batikos ang kontrobersiyal na pahayag ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa pagpupulong ng mga religious group kamakailan, usap-usapan ngayon sa Malacañang na may babalasahin ng Punong Ehekutibo ang kanyang communication team.

Ayon sa source, posibleng bakantehin ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma Jr. ang kanyang puwesto sa mga susunod na araw dahil napipisil siya ng Pangulo bilang bagong chairman ng Civil Service Commission (CSC) matapos magretiro sa serbisyo si Francisco Duque noong Pebrero.

Ikinokonsidera rin umano ni Pangulong Aquino si Presidential Political Adviser Ronald Llamas bilang kapalit ni Coloma sa PCOO, na nangangasiwa sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno sa pagkuha ng impormasyon at pamamahagi nito sa publiko.

Subalit hindi pa rin kinukumpirma ng Palasyo ang umano’y nakaambang rigodon sa gabinete.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

“Hintayin na lang po natin kung ano ang magaganap hinggil diyan. Wala po akong impormasyon hinggil sa inyong nabanggit,” pahayag ni Coloma.

Nang tanungin kung may kinalaman ang nakaambang balasahan sa communication team ni PNoy sa naging kontrobersiyal na pahayag ng Pangulo hinggil sa Mamasapano, sinabi ni Coloma na si Aquino ang kikilatis sa naging trabaho ng kanyang grupo.

Maging si dating Pangulong Fidel V. Ramos ay hindi pinalagpas ang kapalpakan ng communications team ni PNoy dahil sa kontrobersiyal na pahayag nito sa harap ng lider ng mga religious group sa Malacañang kamakailan.

Subalit kung siya ang tatanungin, sinabi ni Coloma na ginawa na nila ang lahat ng kanilang makakaya upang mapabuti ang kanilang pagsisilbi sa publiko.

Aniya, regular silang nakikipagpulong kay Pangulong Aquino upang mapulsuhan ang maiinit na isyu na may kinalaman sa pamamahala ng gobyerno.

Bukod kay Coloma, itinalaga rin bilang tagapagsalita ng Pangulo sina Atty. Edwin Lacierda at deputy presidential spokesperson si Abigail Valte. (Genalyn Kabiling)