Magdadagdag ng mga ferry boat at magbubukas ng mga bagong terminal ang Pasig Ferry Service sa Mayo dahil sa dumadaming pasahero nito, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na may karagdagang limang ferry boat na bibiyahe nang 30 kilometro kada oras at magsasakay ng mas maraming pasahero.

“The new ferry boats have the capacity for 25-30 passengers,” ani Tolentino.

Pagsapit ng Mayo, may 16 na bangka nang bibiyahe para sa Pasig River ferry system.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Sinabi ni Tolentino na inaapura na rin ng MMDA ang pagkumpleto sa apat na bagong terminal—nasa Hulo sa Mandaluyong City, Valenzuela sa Makati City, at Lawton at Lambingan sa Maynila.

Ang nasabing apat na bagong terminal ay mag-uugnay sa pitong ruta ng ferry system: Guadalupe sa Makati City; Polytechnic University of the Philippines sa Sta. Mesa, Plaza Mexico sa Intramuros, Sta. Ana at Escolta, pawang sa Maynila; at Pinagbuhatan at San Joaquin sa Pasig City.

“We will expand routes and accommodate more passengers,” ani Tolentino.

Ayon sa Road Tuazon ng MMDA, umaabot sa 380 ang sumasakay sa Pasig ferry kada araw.

Kaugnay nito, may regalo ang MMDA sa mga estudyanteng magtatapos ngayong taon.

Simula sa Linggo, Marso 15, ay magkakaloob ang MMDA ng 50 porsiyentong diskuwento sa mga estudyanteng magtatapos.

Nasa 20 porsiyento naman ang diskuwento sa mga estudyante, senior citizen at may kapansanan.