Mula sa orihinal na 25 inimbitahan sa tryouts, pinangalanan kamakalawa ni national coach Tab Baldwin ang 16 players, kasama na ang naturalized player na si Marcus Douthit, sa pool kung saan ang mapapahanay sa Gilas Pilipinas team ay sasabak sa Southeast Asian Basketball (SEABA) Championship at sa Southeast Asian Games.

Ang SEABA ay itinakda mula Abril 27 hanggang Mayo 1 at ang SEA Games ay hahataw sa Hunyo 9 hanggang 15, kapwa sa Singapore.

Napasama sa Gilas Cadets pool, matapos ang mga serye ng tryouts na isinagawa ni Baldwin at kanyang assistant coaches na sina Nash Racela, Josh Reyes, Mike Oliver at Jimmy Alapag, ay sina Baser Amer ng San Beda C, Mac Belo ng Far Eastern U, Kevin Ferrer ng Santo Tomas U, Jiovanni Jalalon ng Arellano U, Glenn Khobutin ng National U, Ray-Ray Parks ng Hapee Toothpaste, Keifer Ravena ng Ateneo, Thirdy Ravena ng Ateneo, Prince Rivero ng De La Salle U, Roy Rosario ng Hapee, Jeron Teng ng De La Salle U, Scottie Thompson ng Hapee, Norbert Torres ng Cebuana Lhuillier, Arnold Van Opstal ng De La Salle U at Almond Vosotros ng Cebuana Lhuillier.

Ang inclusion ni Garvo Lanete sa pool ay depende sa kanyang maagang recovery mula sa kanyang kasalukuyang injury.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Isasagawa agad ni Baldwin ang pagsisimula ng team practice bukas sa ganap na alas-8:00 hanggang alas-10:00 ng gabi sa Meralco gym.

Nakatutok ang dating New Zealand at Jordan coach, itinalaga kamakailan upang hawakan ang Gilas Pilipinas squad, para sa 2016 Olympic slot sa Rio de Janeiro sa pamamagitan ng FIBA Asia Championship sa China sa taon na ito.

“Very impressed,” masayang sinabi ni Bladwin hinggil sa mga manlalarong inimbitahan sa tryouts.

Ang SEABA Championship ay ang qualifying tournament sa FIBA Asia Championship sa Hunan, China na siya ring magsisilbi sa regional qualifier sa Brazil Olympiad sa susunod na taon.

“The future of Philippine basketball looks very promising,” saad ni Baldwin, nasa proseso rin ng pagbuo sa men’s team na kinabibilangan ng PBA players, kina Douthit o Andray Blatche, ang Gilas Pilipinas naturalized center noong nakaraang taong FIBA Basketball World Cup sa Seville, Spain.

Hangad ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na mas mapaigting ang mga konsernadong partido, mula sa players’ respective coaches, schools, clubs at leagues, upang suportahan ang Gilas Cadet program na nasa ilalim ni SBP President Manny V. Pangilinan.