Ilang armas ang narekober ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na pinaniniwalaang pag-aari ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa ginawang clearing operation kahapon sa Maguindanao at North Cotabato.

Ito ang kinumpirma ng Local Monitoring Team na anila’y tuluyan nang umatras ang BIFF sa mga lugar ng Pagalungan, Maguindanao at Pikit, North Cotabato.

Ayon kay Jabid Guiabar, LMT chief na siyang tagapagsalita ng MILF sa North Cotabato, na naging positibo ang naturang report.

Ipinagbigay alam ni Guiabar sa Central Committee ng MILF ang ulat upang ipadala sa militar ang mga narekober na armas na mula sa BIFF.

National

‘Nika’ napanatili ang lakas; 8 lugar sa Luzon, itinaas sa Signal #2

Katuwang ng MILF sa clearing operation ang 602nd Brigade, sa pangunguna ni Colonel Noel Clement, kasama ang GPH/MILF Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH), Local Monitoring Team, at Pikit OIC Mayor Dulia Sultan sa Brgy. Kabasalan.

Sinabi naman ni 7th Infantry Battalion Philippine Army (PA) Commanding Officer Colonel Orlando Edralin na tumulong rin sila sa clearing operation, katuwang ang EOD team ng militar at K9 units, upang tiyakin na walang improvised explosive device (IEDs) na iniwanan ang BIFF sa lugar at magsibalik na ang mga nagsilikas na sibilyan.

Nilinaw naman ni Guiabar na nagkaroon ng direktang koordinasyon ang militar at MILF bago pumasok sa mga apektadong barangay.

Tiniyak ni Sultan na makababalik na ang evacuees sa kanilang mga tahanan.