UBO! UBO! ● Simula nang pangaralan ako ng nanay ko na huwag umubo nang hindi tinatakpan ng panyo ang aking bibig, magpahanggang ngayon taglay ko ang pangaral na iyon kahit wala na ang aking ina sa daigdig na ito. Kaya kung may umubo na malapit sa akin, hindi ko maiwasang tumingin – kung nagtakip ito ng bibig. Marami ngang germs ang ikinakalat sa hangin ng pag-ubo at maaaring mahawan nito ang makalalanghap ng ibinuga ng umubo. Hindi mo rin masasabi, sapagkat walang indikasyon, na may sakit na tuberculosis na pala ang umubo at kalaunan, inuubo ka na rin. Lagot! Ngunit sinabi sa isang ulat na pangalawa ang ating bansa sa Asia na may pinakamaraming kaso ng tuberculosis. Na noong 2013, may mahigit siyam na milyon ang may TB sa buong mundo at 1.5 milyon dito ang namatay.

Ayon kay Sen. Teofisto Guingona III, bumabana ang bilang ng namamatay taun-taon at mahigit 37 milyong pasyente ang nagamot mula 2000 hanggang 2013 sa pamamagitan ng maagang deteksiyon at lunas. Na maiiwasan naman aniya ang kamatayan sa sakit na TB kaya kailangang paigtingin ang mga pagsisikap na puksain ang sakit na nakatadhana sa Millennium Development Goals (MDGs). Kaya hindi na nagpatumpik-tumpik ang magiting na senador. Sa may panukalang batas siyang inihahanda sa layuning magtao ng regional centers sa buong bansa kontra TB, na may libreng laboratory services, libreng medisina, at seminar at training hinggil sa pagpuksa ng nasabing sakit. Kaakibat din nito ang pagpapalawak ng serbisyo ng PhilHealth. Kailangang maaprubahan na ito sa lalong madaling panahon.

***

KEEP OUT ● Iniulat na sinampahan ng kaso ang Colorado ng dalawang kalapit na estado nito dahil ginawa nilang legal ang paggamit ng marijuana. Ngayon, nahaharap uli ang Colorado sa mas marami pang kaso mula sa sarili nitong mga residente na humihiling sa hukuman ang isang kautusan upang ipasara ang isang industriya na gumagamit ng naturang damo na nakaaapekto sa kanilang mga negosyo at mga alagang hayop. Bukod sa may hindi kaaya-ayang amoy ang naturang industriya, dinarayo na rin ang estado ng hindi kanais-nais na mga panauhin. Gayunman, nakahanda ang mga abogado ng Colorado na ipagtanggol ang mga batas na nauukol sa paggamit ng medical marijuana. Sa Amerika, lumalawak na ang mga mamamayang tumututol na gawing legal ang paggamit ng marijuana sa medisina – bagay na dapat isaalang-alang ng ating mga mambabatas sakaling lumutang ang usapin tungkol dito.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists