PIKIT, North Cotabato, Feb. 21 (PNA) – Naglunsad ng opensiba ang mga tauhan ng 6th Division laban sa bandidong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Pagalungan, Maguindanao kung saan nagbigay ng air support ang mga attack helicopter ng Philippine Air Force.
Ayon sa militar, sinuyod ng mga sundalo ng Philippine Army ang pinagkukutaan ng BIFF na pinamumunuan ni Kagi Karialan na nasangkot sa clan war sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) isang linggo na ang nakararaan.
Dahil sa panibagong bakbakan, mahigit sa 20,000 pamilya ang nagsilikas sa kanilang komunidad.
Kahapon ng madaling araw, nagpakawala ng mortar shell at bomba mula sa 105 Howitzer ang mga tropa ng pamahalaan upang maitaboy ang puwersa ng BIF sa matubig na lugar habang nagsasagawa ng air assault ang dalawang MG-520 attack helicopter.
Ayon pa sa ulat, hindi rin kumilos ang mga tauhan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa mga bayan ng Pagalungan at Pikit upang makapasok ang militar sa kuta ng BIFF.
Sinabi ni Capt. Joanne Petinglay, tagapagsalita ng 6th Infantry Division, nakasagupa ng mga tauhan ng 7th Infantry Battalion na pinamumunuan ng Lt. Col. Audie Edralin ang grupo ni Karialan sa Barangay Bulol, Pagalungan.
Nilinaw ng isang opisyal ng MILF na hindi joint operation ng kanilang puwersa at gobyerno ang inilunsad na operasyon laban sa grupo ni Karialan subalit nagbigay ng intelligence information sa militar ang rebeldeng grupo sa kinaroroonan ng mga bandido.