Nanawagan ng panalangin ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People para sa kaligtasan ng tatlong overseas Filipino worker (OFW) na dinukot ng armadong kalalakihan sa Libya noong Pebrero 3.

“We can only keep praying na sana naman maging maganda ang conclusion ng kidnapping na ito,” pahayag ni Fr. Resty Ogsimer, executive secretary ng CBCP-ECMI sa Radyo Veritas.

Una nang inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kabilang ang tatlong OFW sa pitong banyaga na dinukot ng armadong kalalakihan sa isang oil field sa Central Libya.

Ayon kay Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario, ang mga Pinoy ay nagtatrabaho sa Mabruk Oil Field nang tangayin ng hindi pa matukoy na grupo noong Pebrero 3.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Naghihintay sila ng development ng tawag kung ano ang koneksyon ng pagkadukot sa ating mga kababayan. So, ‘yan ang pinaka-latest na balita wala pang development sa kung ano ang nangyari sa kanila, pinaghihinalaan na baka related ito sa ISIS,” pahayag ni Ogsimer.

“Hopefully, hindi kapareho ang kanilang kahantungan doon sa dalawang Japanese at isang Jordanian,” dagdag niya.

Samantala, umaasa si Fr. Amado Baranquel, kura paroko ng St. Francis Catholic Church sa Tripoli na bubuti ang sitwasyon sa Libya at mapalalaya rin ang tatlong Pinoy na bihag sa mga susunod na araw.