Isang malaking kawalan ng utang-na-loob kung hindi ko bibigyang-diin ang kahalagahan ng papel na ginampanan ng isang haligi ng Philippine journalism sa mga katulad naming nangangarap na maging peryodista rin pagdating ng panahon. Siya si Bert Pelayo, ang naging editor-in-chief ng Advocate, ang school newspaper ng Far Eastern University (FEU), maraming dekada na ang nakalilipas.

Si Bert ang naging gabay ng staff members ng naturang peryodiko sa pagsulat ng halos lahat ng anyo ng sulatin o panitikan. Palibhasa’y mga baguhan sa larangan ng peryodismo, sinikap naming isapuso at isaulo ang lahat ng kanyang tagubilin upang mahasa ang aming mga kaalaman sa pagsusulat. At ang mga ito ang tinaglay namin hanggang sa kami, kahit paano, ay naging professional journalists na rin.

Mula sa pagiging patnugot ng Advocate, kaagad ipinatawag si Bert sa orihinal na Manila Times upang maging isang ganap na reporter: itinalaga sa iba’t ibang beat o assignment. Hindi naglaon, siya ay ipinadala sa Vietnam upang mangalap ng mga ulat tungkol sa pagsiklab ng madugong Vietnam War. Bilang isang fearless and passionate journalist, ginawaran siya ng iba’t ibang parangal, tulad ng Pamana ng Filipino Award, Presidential Award para sa mga outstanding Filipino Overseas.

Mahigit nang apat na dekada nang namamalagi si Bert sa New York. At doon nga niya itinatag ang Filipino Reporter, ang peryodiko na naging behikulo ng Filipino immigrants at ng mismong mga Amerikano sa pagtatamo ng makabuluhang mga impormasyon mula sa mga bansa sa Asia, lalo na nga sa Pilipinas. Dahil dito, hindi lamang ang kanyang journalistic achievement ang kinilala kundi maging ang kanyang epektibong pagtulong sa Filipino-American community.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ang naturang mga pagmamalasakit ni Bert sa larangan ng pamamahayag – kaakibat ng aming walang kupas na pasasalamat sa kanyang paggabay sa amin – ay nanatili hanggang sa kanyang kamatayan kamakailan sa New York.

Isang pakikidalamhati sa iyong mga mahal sa buhay. Isa kang tunay na kapatid sa profession. Sumalangit nawa ang iyong kaluluwa.