MIAMI (AP)– Hindi maglalaro si Dwyane Wade sa All-Star Game at nais niyang maging malusog para sa stretch run ng season.
Kung kaya’t ang paglalaro niya ngayong weekend ay nakikita niyang isang peligro.
Inanunsiyo ng Miami Heat guard kahapon na hindi siya maglalaro sa midseason showcase ng NBA, isang desisyon na kanyang ginawa bilang babala habang patuloy pa rin siyang nagpapagaling mula sa kanyang pinakahuling hamstring injury. Si Wade ay lumiban sa huling anim na laro ng Miami at mananatiling inactive sa pagsasara ng Heat ng kanilang pre-All-Star schedule sa Cleveland ngayon.
‘’I felt like this was best,’’ sinabi ni Wade. ‘’I wasn’t going to play much either way. I think with the circumstances, I think the smartest thing to do is let someone else come in and really enjoy the All-Star experience. I think I owe it to the Heat fans to at least play in a Heat jersey first than go out there in the All-Star Game and play a couple minutes.’’
Ang kanyang kapalit sa Eastern Conference roster ay pipiliin ni NBA Commissioner Adam Silver. Ang mga kandidato ay kinabibilangan nina Kyle Korver ng Atlanta at Kevin Love ng Cleveland, bagamat sinabi ni Wade na kung siya ang masusunod ay pipiliin niya si Brandon Knight ng Milwaukee na tubong Miami.
‘’I think it would be fitting for a Miami guy to take an honorary Miami guy’s spot,’’ ani Wade. ‘’He’s done a great job of leading that team.’’
Magtutungo pa rin si Wade sa New York para sa All-Star weekend, kung saan ilang aktibidad ang plano niya kasama ang mga kasosyo sa negosyo na tulad ng Stance, Li Ning at Hublot. Nasa iskedyul rin ni Wade ang pagiging host ng isang spades tournament para sa mga manlalaro ng NBA at celebrities at maging ang isang bowling event upang makakalap ng pondo para sa Game Changer, isang sports program na itinaguyod ng Wade’s World Foundation at Sandals Foundation na tumutulong sa mga kabataang mahihirap sa komunidad.
Dadalo rin si Wade sa pagpupulong ng NBA Players Association.
‘’I’m going to listen,’’ sambit ni Wade. ‘’And to let my voice be heard.’’
Umaaasa ang kampo ng Heat na magiging handa na si Wade sa pagpapatuloy ng ensayo ng koponan sa Pebrero 18, at ang kanyang pagbabalik sa lineup ay mangyayari sa pagbisita ng Miami sa New York Knicks sa Pebrero 20.
Si Wade, isang three-time NBA champion, ay napabilang sa All-Star selection sa bawat isa ng nakaraang 11 season, kabilang na nang siya ay maging game MVP noong 2010. Hindi pa siya muling nakapaglalaro mula nang mapinsala ang kanyang kanang hamstring noong Enero 27, hindi katagalan mula nang makarekober mula sa pananakit ng kaliwang hamstring.
Ang hindi niya paglalaro ngayon ang ika-17 sa 52 laban ng Heat sa season na ito. Siya at ang kapwa All-Star na si Chris Bosh ay nakapaglaro lamang ng magkasama sa kabuuang 28 laro ngayong taon, isang numerong inaasahan ng Heat na lumaki matapos ang break.
‘’We’re going to make sure we’re playing our best basketball,’’ ani Bosh. ‘’And hopefully this thing can come together.”