ILOILO – Naninindigan pa rin ni Exequiel “Boy Ex” Javier na siya ang gobernador ng Antique.
Sa isang panayam sa telepono ay kinumpirma ni Javier na lumiham siya sa mga sangay ng Landbank of the Philippines at Development Bank of the Philippines sa Antique para igiit na siya pa rin ang gobernador ng probinsiya.
Ito ay kahit na naiproklama na si Vice Governor Rhodora “Dodod” Cadiao bilang bagong gobernador ng lalawigan kapalit ni Javier, na nadiskuwalipika ng Commission on Elections (Comelec) bilang kandidato noong May 2013 elections.
Sa isang liham noong Pebrero 4, sinabi ni Javier sa pamunuan ng dalawang nabanggit na bangko na ang lahat ng transaksiyon ay dapat niyang gawin at hindi ni Cadiao.
Iginiit ni Javier na hindi pa nagpapalabas ng pinal na desisyon ang Korte Suprema tungkol sa inihatol sa kanya ng Comelec noong Enero kaya naman ilegal, aniya, ang pagkakaluklok kay Cadiao noong Pebrero 3 bilang gobernador ng Antique.
Matatandaang diniskwalipika ng Comelec en banc si Javier dahil sa pagsuspinde kay Valderrama Mayor Mary Joyce Roquero na may kasong administratibo noong Enero 2013.
“My case is still pending at the Supreme Court,” paulit-ulit na sinabi ni Javier tungkol sa hinihiling niyang temporary restraining order mula sa kataas-taasang hukuman.
Paulit-ulit na sinabi ni Javier na bababa lang siya sa puwesto kapag mismong ang Korte Suprema na ang nagdesisyon nito.
Ayon kay Javier, nagbukas siya ng opisina sa kanyang bahay sa San Jose.
Sa huling bahagi ng panayam ay sinabi ni Javier na hindi na muli siya magbibigay ng komento dahil baka makasuhan siya ng contempt.
Samantala, nagpasa ng resolusyon ang Antique Provincial Board noong Pebrero 5 na kinukumpirma at pinapagtibay ang pagkakaluklok kay Cadiao bilang gobernador ng probinsiya. Idinagdag sa resolusyon na ang lahat ng transaksiyon sa mga bangko ay dapat pirmado ni Cadiao at ng Provincial Treasurer na si Sherlita Mahandog.