IMUS, Cavite – Tinapos na ng isang Japanese ang kanyang pakikibaka sa matinding karamdaman nang magbigti ito sa loob ng kanyang apartment sa Barangay Maharlika sa siyudad na ito noong Miyerkules.
Matapos buksan ang pinto ng inuupahan na unit ng biktima gamit ang master key, bumulaga kay Mimylyn Concepcion, caretaker ng apartment, ang bangkay ni Shimoda Tetsuya, 50, habang nakabitin sa kisame ng kanyang silid.
Sinabi ni PO3 Alan B. Reyes, officer-on-case, nadiskubre ang pagpapatiwakal ni Tetsuya dakong 9:00 noong Miyerkules ng umaga.
Nagtungo si Concepcion sa unit ni Tetsuya upang singilin ito sa buwanang renta subalit hindi sumasagot ang biktima nang ilang ulit niyang katukin ang pinto.
Inihayag ni Concepcion sa imbestigador na inamin sa kanya ni Tetsuya ang hirap na dinaranas nito sa kanyang karamdaman sa huling pagkakataon na sila ay nagkita.
Ayon kay Reyes, walang indikasyon na may foul play sa pagkamatay ni Tetsuya at wala rin umanong nawawalang personal na gamit ang biktima.