Dalawang granada ang inihagis sa tapat ng Manila Police District (MPD)-Station 7 sa Jose Abad Santos Street sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Batay sa ulat ng MPD, dakong 5:00 ng umaga nang sumabog ang unang granada sa harap ng istasyon na agad namang nirespondehan ng mga miyembro ng MPD Bomb Squad.

Sa lakas ng pagsabog, natuklap ang semento sa lugar at walang nasawi o nasaktan sa insidente.

Laking gulat ng mga awtoridad nang alisin ang mga sasakyang nakaparada sa parking ng istasyon dahil doon ay nadiskubre nila ang isa pang granada.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kinordon ng mga pulis ang lugar, pinalibutan ng mga nakasakong semento ang naturang granada at saka sinadyang pasabugin sa pamamagitan ng water disruptor.

Ayon kay PO3 Amerson Ortega, iniimbestigahan na nila kung ano ang motibo sa paghahagis ng granada sa kanilang tanggapan.