Maaari nang mabisita ng kanilang mga kaanak ang 19 na high-profile inmate ng New Bilibid Prison (NBP) na nasa pangangalaga ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) detention facility.

Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, nito lang Martes pinayagan ng kagawaran na maibalik ang visitation privileges ng mga nasabing preso, na nananatili sa extension facility ng Bilibid sa NBI.

Pero batay sa visitation guidelines ng Bureau of Corrections (BuCor) at NBI, ang mga immediate family at mga abogado lang muna ang papayagang makadalaw sa nasabing mga preso.

Kinakailangan din na may nakabantay habang nag-uusap ang preso at ang dumadalaw na kaanak para matiyak na walang makalulusot na kontrabando o anumang bagay na ipinagbabawal na posibleng iabot sa bilanggo, gaya ng cellphone, pera o anumang bagay na mag-uugnay sa kanila sa buhay sa labas ng piitan.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Kung hindi raw kasi hihigpitan ang mga dalaw ay mawawalan ng saysay ang paglipat sa mga nasabing preso.

Sinabi pa ni De Lima na nakabisita na sa 19 na bilanggo ang mga kawani ng Commission on Human Rights na sumuri sa kanilang kondisyon.