TAGISAN NG GALING ● Ayon sa matatanda, noong unang panahon daw, kapag nagkaroon ng hidwaan ang dalawa o higit pang bansa, hindi sila nagpapatayan – tulad ng nangyari sa Mamapasano, Maguindanao kung saan mahigit sa 44 na pulis ang napaslang ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters na maiibigin sa karahasan – sila ay nagtatagisan ng galing sa palakasan... sa sports!
Kaya nareresolba ang hidwaan sa mapayapang paraan. Ito ang isinusulong sa 2015 Davao Palaro – na nakatuon sa kapayapaan at pagkakaisa sa Mindanao. Hangad ng pamahalaan ng Davao del Norte na gawing daan ang pagdaraos ng naturang palaro ngayong taon upang himukin ang mga komunidad, kung hindi man ang buong rehiyon, na magtulungan tungo sa kapayapaan. Ang palaro ay magsisimula sa Mayo 3 hanggang 9. Ang taunag palarong ito ay bunga ng kasunduan ng pamahalaan ng Davao del Norte at ng Department of Education. Ikinararangal ng lalawigan ang pagiging punong abala sa palaraong pambansang ito upang ipamalas ang kanilang itinayong P350 milyong world-class na sports complex upang mabigyan ang lahat ng kabataang manlalaro/atleta upang mapayapang mamayagpag sa palakasan at makalimutan ang tunggalian sa lalawigan. Ang palaro ngayong taon ay may temang “Sports: Brealing Borders, Building Peace.” Sa palarong ito, hindi lamang nito luluwalhatiin ang mga atleta at ang sports na kanilang susuungin kundi pati na rin ang pagkakaisa ng mga mamamayan ng Mindanao bilang suporta sa pagpapasa ng Bangsamoro Basic Law nang makamtan ang inaasam na pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon.
***
DALAMHATI ● Ipinagluluksa ng bansa ang mga napaslang na pulis sa naging Mamapasano massacre. Nagkaroon ng isang malungkot na prusisyon ng mga ataol na nakukumutan ng mga bandila ng Pilipinas nang ilapag ang mga ito ng mga eroplano nitong linggo sa isang paliparan sa Maynila. Nakaririmarim pagmasdan ang mga kapatid nating pinaslang ng mga kapatid din natin sa Maguindanao. May nakapagsabi na hindi na mangyayari ang inaasam na pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao sapagkat ang mga taga-roon mismo ang ayaw sa pagbabago. Kaya naman ang Mindanao ay mananatiling nakabalot sa dilim ng karahasan, sa baliw na pananaw ng ilang may kapangyarihan, na tanging mga halimaw lamang ang makikinabang.