Wala nang dapat ipag-alala ang fans ng Barangay Ginebra San Miguel.
Dati nang laman ng mga haka-haka bilang reinforcement ng Gin Kings para sa 2015 PBA Commissioner’s Cup na maguumpisa sa Enero 27, dumating Sabado ng madaling araw si Michael Dunigan lulan ng Philippine Airline flight PR103 mula Los Angeles, California.
Naantala ang pagpirma ni Dunigan sa offer ng BGSM dahil itinuon muna nito ang pansin sa katatapos na NBA D-League Showcase. Hinintay din ang pagbuy-out ng Ginebra sa kanyang kontrata sa Canton Charge.
Unang naglaro para sa Air21 Express sa 2013 Commissioner’s Cup, sinabi ni Dunigan na natutuwa siyang makabalik sa PBA at maglaro para sa pinakapopular na koponan sa liga.
“It’s great to be back. I can’t wait to get on the court and play for Ginebra and all the fans,” ani ng 25-anyos na si Dunigan.
Bilang import ng Express, si Dunigan ay nagtala ng averages na 23.9 puntos, 15.4 rebounds, 3.3 assists at 2.4 blocks sa 15 laro. Iginiya niya ang Air21 sa semifinals ngunit nabigong makalampas sa Alaska Aces na kalaunang nag-uwi ng titulo.
Bilang manlalaro naman ng Canton Charge sa NBA D-League, naging impresibo rin ang pagpapakita ni Dunigan sa paglilista nito ng 32.6 puntos, 7.8 rebounds, at 1.5 assists na average.
May official PBA height na 6’8 13/16, ang kanyang all-around game ang inaasahang kukumpleto sa mga rekado na kailangan ng Ginebra upang matigib ang pitong taon nitong pagkauhaw para sa isang kampeonato.
“I’ll just go out there and do everything I can to help the team win. Ginebra is a never-say-die team, and that’s the kind of mentality that I have. Hopefully we can go all the way,” sabi ni Dunigan.
Ngunit ipinaalala ni Dunigan na hindi niya kakayaning mag-isa na maigiya ang BGSM sa panalo.
“One import cannot beat the whole opposing team alone. We have to stick together, teamwork is very important,” aniya.
Nakatakdang sumabak si Dunigan at ang Gin Kings kontra Meralco Bolts, na ipaparada naman ang dating manlalaro ng San Antonio Spurs na si Josh Davis, sa main game ng doubleheader sa Mall of Asia Arena ganap na alas-7 ng gabi.
Una nang inanunsiyo ng PBA na libre ang general admission area para sa publiko.