NGAYON nalubos ang paniniwala na ang pagbaba ng presyo ng krudo sa pandaigdig na pamilihan ang dahilan ng sunud-sunod na rollback na ipinatutupad ng oil companies. At kung dahil lamang dito, ngayon din dapat malubos ang ating mga papuri sa naturang mga negosyante na kaagad binabagsakan ng matinding pagkundena at pagsisisi tuwing bumubulusok na pataas ang presyo ng mga produkto ng petrolyo.

Hindi na natin iisa-isahin ang bawat sentimo na ibinabawas sa gasolina, diesel at kerosene. Sapat nang madama natin na patuloy ang oil rollback; mistulang nagpapaligsahan ang nasabing mga kompanya sa maliwanag na pagdama sa pagdurusa ng mga mamamayan.

Noon, ang kawing-kawing na epekto ng pagtaas ng presyo ng mga produkto ang laging nagiging dahilan ng walang patumanggang pagpapataw ng dagdag na halaga sa ating mga pangunahing bilihin. Kagagawan naman ito ng ilang negosyante na wala nang inatupag kundi palakihin ang kanilang pakinabang sa pagnenegosyo. Noon, sinasabayan nila ang gayong mga pagsasamantala na nagdudulot ng ibayong paghihirap sa sambayanan, lalo sa ating mga kababayang isang-kahig-isang tuka. Ngayon kahit paano, naiibsan ang kanilang mga pagdurusa. Sana, magpatuloy ang ganitong situwasyon at manatiling mababa ang presyo ng inaangkat na krudo mula sa oil-producing countries.

Subalit nais nating bigyang-diin na ang gayong pagmamalasakit ng nasabing mga negosyante ay hindi nangangahulugan ng paghupa ng ating panawagan hinggil sa pagpapawalang-bisa o pagsusog sa mapaminsalang Oil Deregulation Law (ODL). Ang batas na ito ang itinuturing na salarin sa pagpapataw ng hindi makatarungang oil price hike.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kaakibat ito ng ating hindi kumukupas na pagdaing sa gobyerno na saklolohan ang sambayanan laban sa pagsasamantala ng mga negosyante na lagi nating binabansagang mga buwitre ng lipunan. Ang ODL ang kanilang makapangyarihang sandata sa pagtatakda ng sagad-sa-langit na presyo ng mga produkto ng langis.

Nasa kamay ng pamahalaan ang pangunguna sa pagpapawalang-bisa sa ODL.