Ni ELLAINE DOROTHY S. CAL

Enero 16, 2015 ang ikalawang araw ng pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas. Nagmisa siya sa Manila Cathedral sa Intramuros, Manila, at gaya ng inaasahan, libu-libong Katoliko ang dumagsa sa kasabikang masilayan at makadaupang-palad siya.

Nagkalat ang souvenir items, gaya ng T-shirt, polo shirt, pamaypay, porselas, kalendaryo, panyo at button pin, sa gilid ng kalsada malapit sa simbahan.

Sa paglilibut-libot ay nakilala ko ang ilang tindero at tindera ng iba’t ibang memorabilia ni Pope Francis.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Bakas sa mukha ni Rey, 34, isang tindero, ang pagkasabik na makita si Pope Francis. Nakangiti niyang inilalako ang mga paninda niyang polo shirt na may larawan ng Papa at naiimprentahan ng mga katagang “I love Pope Francis” sa halagang P150, at 100 naman ang bibili ng hindi bababa sa limang piraso.

Kinumusta ko ang benta ni Rey. “Ayos naman ho… kumita naman na. Hindi naman ako umaasa na sobrang laki ng kikitain kasi marami akong kalaban (sa pagbebenta) marami kami nagkalat.”

Nakilala ko rin si Vicky, 31, tindera ng porselas at pamaypay na may burda ng pangalan ng Papa. Nang aking lapitan ay isang grupo ng kabataan ang nakapalibot sa kanya at hindi magkamayaw sa katatanong ng presyo ng kanyang paninda.

Aniya, mabenta sa matatanda ang mga pamaypay sa halagang P50. Saktong-sakto raw itong gamitin habang hinihintay ang pagdating ni Pope Francis.

“Eh… mabenta ‘yung mga pamaypay ko sa matatanda. Ilang piraso na lang (natitira), kasi mainit, maaraw. Sa mga bata-bata, porselas naman.”

Para sa kanila, isang blessing ang pagbisita ni Pope Francis sa bansa. Ayon kay Rey, masarap sa pakiramdam na muling nagkaisa ang bawat Pilipino na isang patunay na sa kabila ng kahirapan at mga trahedyang pinagdaanan ng bansa ay nangingibabaw pa rin ang kapayapaan at pagmamahalan sa Pilipinas.