Si Pope Francis, ang Vicar of Christ, ay nasa bansa para sa apat na araw na pagbisita upang ihatid ang mensahe ng pag-ibig, pagkakaisa, awa at malasakit. Makikipagkita si Pope Francis sa ating mga kababayan, na kumakatawan sa pinakamalaking bilang ng mga Katoliko sa Asia, na mamamayan ng isang mayamang bansa ngunit ginagapi ng karukhaan at lumolobong kawalan ng katarungan sa pagitan ng mga mayroon at mga walang-wala sa kabila ng tinatamasang paglago ng ekonomiya kamakailan.

“People’s Pope” ang nakagiliwang itawag kay Pope Francis. Bilang Jesuita na yumahakap sa “poverty of spirit” ni St. Ignatius, na isang paninindigan ng kumpletong pagsandal sa Diyos. Ang poverty of spirit ay nangangahulugan ng pag-aalay ng buong sarili upang mapunan tayo ng Diyos ng pag-ibig at buhay. Pinili ng Papa ang pangalang ‘Francis’ na halaw kay St. Francis of Assisi dahil sa pag-ibig nito sa maralita at tagasulong ng kapayapaan. Minsang sinabi ng Papa: “How I would like a Church which is poor and for the poor!” Hindi iba ang Papa sa karukhaang kanyang nasaksihan sa pagiging taga-Latin America na ginigiyagis ng kahirapan at kawalan ng katarungan. Kaya nga binatikos niya ang mga ekonomiyang pinakikinabangan lamang ng mayayaman at mga makapangyarihan.

Ngunit huwag nating pahirapan ang Papa na resolbahin ang ating mga problema. Sa pamamagitan niya, mahihiling natin ang awa ng Diyos na tulungan tayong baguhin ang ating sarili, iwaksi ang kawalan ng katarungan, panloloko, katiwalian, at pagiging makasarili. Sa kanyang presensiya sa ating bansa, hilingin natin sa kinatawan ng Panginoong Jesukristo na idalangin ang ating kaligtasan mula sa kumunoy ng kahirapan at kawalan ng katarungan. Habang espirituwal ang pakay ng kanyang pagbisita at hindi materyal o pulitikal, inaasahang itatampok niya ang awa ng Diyos sa maralita at mga naaapi.

Idalangin natin na gisingin nawa ng Papa ang konsiyensiya ng ating mass media na ikintal sa kanilang diwa ang panawagan ng Papa na “trinity of communication” ay maigiting na isulong ang pagtupad ng mass media sa “katotohanan, kabutihan, at kariktan”.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Tayong lahat ay tinatawagang magsikap na katuwang si Kristo upang matulungan ang maralita at yaong walang lakas.