LAKING gulat ko nang makarating sa akin ang balitang pumanaw na ang mabait na esposo ng amiga kong si Amanda. Talagang traydor ang puso; hindi mo talaga malalaman kung kailan aatake. Sa kabila rin ng healthy lifestyle ng esposo ni Amanda, namatay na lamang ito pagkapalit ng pundidong bumbilya sa kanilang garahe. Alam kong mahal na mahal ni Amanda ang kanyang esposo, at madalas niyang naikukuwento kapag nag-uumpukan kaming magaamiga pagkatapos ng misa ang kakatwang pangyayari na kinasasangkutan ng kanyang mister. Hindi ko talaga akalain na atake de corazon ang magiging dahilan ng pagpanaw nito sa mundo.

Kaya bilang Kristiyano, kailangang bisitahin ko ang aking amiga sa lamay. Sa totoo lang, ayokong pumupunta sa mga burol, lalo na kung kakilala ko ang pumanaw at ang pamilya nito dahil hindi ko ini-enjoy ang pagmamasid sa labis na pagdadalamhati. Gayon man, nagpunta pa rin ako sa burol kasi iyon ang nararapat, ayon sa Mabuting Aklat. Pagdating ko sa kapilya na malapit sa kanilang bahay, maraming nakikiramay. As usual naroon din ang makukulit na bata na nagtatakbuhan, akala’y palaruan ang burol. Ngunit ang pinagtatakhan ko, walang bahid ng luha ang aking amigang Amanda.

Palangiti pa nga siya sa mga bisita. Sa pangangati ng aking pagiging pakialamera, nilapitan ko siya at inusisa: “Wala ka nang mailuha?” Tulad ng inaasahan ko, ngumiti siya sa akin at pinaupo ako sa isang sulok upang kami lang ang makaririnig ng aming usapan. Sabi niya, “Hindi kasi nararapat na magwala ako. Pumanaw na ang friend ko. Sa kababasa ko ng Mabuting Aklat, nalaman ko na sasamahan ako ng Panginoon sa aking pagdadalamhati. Pangako Niya iyon. Mayroon na akong matatag na kalooban, Vivinca, dahil sa pangakong iyon. Bakit pa ako iiyak? Eh, alam ko namang kapiling na niya ang Panginoon.”

Talagang humanga ako sa pahayag ng aking amiga na nakita ko naman sa kanyang masaya at maaliwalas na mukha. Malaki ang naging pagbabago ng aking Amiga nang buong puso niyang tanggapin si Jesus bilang kanyang Panginoon at personal na Tagapagligtas. Walang dudang kaagapay niya ang Panginoon sa lahat ng kanyang pangangailangan. Tinuturuan tayo ng Mabuting Aklat na damayan ang mga biyuda at kinokondena nito ang mga nagsasamantala sa kanila. May espesyal nga na espasyo sa puso ng Diyos para sa mga biyuda (Kawikaan 15:25). Ipagkatiwala natin sa Diyos ang ating kinabukasan.
National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3