MATAPOS ang matagumpay na pagbubukas ng kakaibang website at interactive online campaign ng TV5 na #DearPopeFrancis kamakailan, na milyung-milyong mga Pilipino ang nakiisa sa paghahayag ng kani-kanilang personal na pagbati at intensiyon para kay Pope Francis, buong puwersa namang inihahandog ng TV5 ang komprehensibo at ekslusibong mga programang nakalaan sa nalalapit na makasaysayang pagdating ng Santo Papa.
Ngayong Linggo, January 11, 9:00 PM, bibigyan ng TV5 ng ispirituwal na kahulugan ang inaabangang papal visit sa pag-ere ng special 1-hour documentary program na Pastol sa Panahon ng Pagbabago. Tatalakayin ng dokumentaryo ang ilan sa mahahalagang isyung kinakaharap ng bawat Katolikong Pilipino na itatampok sa mga program segments na “Poverty and The Filipino,” “Contraception,” “Gays,” at “The Selfie Generation.”
Mula naman January 12-15, tututukan ng TV5 ang mga preparasyon ni Pope Francis habang siya ay paparating sa bansa. Sa pangunguna ni News5 Correspondent Carla Lim na sasakay sa mismong papal plane kasama ng Santo Papa, malapitang mapapanood ng buong bayan ang pagsalubong kay Pope Francis.
Pangungunahan din ng TV5 ang pagbibigay ng pinaka-updated at mahahalagang balita at pangyayari mula sa oras ng pagdating hanggang sa paglilibot ng Santo Papa sa iba’t ibang parte ng Pilipinas. Makakasama buong araw mula January 15 hanggang 19 ang ilan sa mga pinakapinagkakatiwalaan at tanyag na broadcast journalist ng bansa sa katauhan ng hepe ng News5 na si Luchi Cruz-Valdes, kasama rin ang award-winning newscaster na si Erwin Tulfo at ang seasoned news personalities na sina Cheryl Cosim at Ed Lingao.
Samantala, bahagi ng misyon nitong maabot ang bawat Pilipino at humikayat ng mas maraming indibidwal, lalo na ang kabataan, na makibahagi sa makasaysayang pagbibisita ng Santo Papa, ilulunsad din ng TV5 ang interactive na Social Media Command Center. Dito magsasanibpuwersa ang ilan pa sa mga natatanging anchors ng News5 at ang mga sikat na artista ng Kapatid Network, na magbabalita at maghahatid ng updates mula sa social media at mula rin sa ilang representatives ng mga Catholic youth organizations sa bansa.
Ihahandog din ng TV5 ang naiibang pag-uulat sa pagbisita ng Santo Papa sa pamamagitan ng mga tinaguriang ‘Popeparazzis’ na sina Lourd de Veyra, Ramon Bautista, Jun Sabayton at RA Rivera, na maghahatid ng mga opinyon at saloobin ng ordinaryong Pilipino sa pamamagitan ng kanilang man-on-the-street (MOS) reports.
Bukod sa nabanggit na kapana-panabik na mga programa at handog ng TV5 sa paparating na papal visit, maghahatid din ng libreng livestream coverage ang Kapatid Network sa Smart-Araneta Coliseum ng January 15–18, araw-araw simula ng 9:00 AM. At para naman sa mga hindi pa nakakasali sa matagumpay na #DearPopeFrancis online campaign, maaari pa ring magpadala ng mga mensahe, personal na intensyon at petisyon para sa Santo Papa gamit ang opisyal na hashtag na #DearPopeFrancis sa mga social media accounts at sa website na www.DearPopeFrancis.ph.