MULING pinatunayan ni Kathryn Bernardo ang kahusayan niya sa pag-arte sa “Parol” episode ng Maalaala Mo Kaya last Saturday.
Nag-trending at pinag-usapan sa social media ang kahusayan sa pagdadrama ng Teen Queen na gumanap sa kuwento bilang ampon ng tumayong mga magulang na sina Assunta de Rossi at Smokey Manoloto.
Itinuring bilang tunay na anak, pinag-aral sa isang exclusive school at kahit nalaman ang tunay niyang relasyon sa kinagisnang mga magulang ay hindi nagbago ang pagtingin at turing niya sa mga taong nagtaguyod sa kanya mula nang isilang hanggang sa kanyang paglaki at nagkaroon ng sariling trabaho.
Parehong namatay sina Assunta at Smokey sa nasabing drama anthology at dito umani ng paghanga si Kathryn, tinutukan nang husto ng mga manonood kung paano niya naitawid ang hinagpis ng isang anak na nawalan ng mga magulang.
Naiulat nitong Linggo ng umaga sa DZMM Teleradyo na nag-trending worldwide ang MMK episode ni Kathryn. Pagpapatunay lamang na kahit mag-isa at walang Daniel Padilla na kapareha, may solid supporters pa ring sasandalan ang Teen Queen sakaling gustuhin niyang gumawa ng project na siya lamang ang bida.