Ni LEONARD D. POSTRADO

Ipinag-utos ni Department of Justice (DoJ) Secretary Leila de Lima sa mga opisyal ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City na gibain ang mga espesyal na kubol sa loob ng pasilidad, kabilang ang magarbong unit ni Jaybee Niño Sebastian, na itinuturing na high-profile inmate.

Dalawang linggo lang ang ibinigay na taning ni De Lima sa Bureau of Corrections (BuCor) upang gibain ang lahat ng kubol sa NBP bilang patunay na wala siyang pinapaborang bilanggo, tulad ng akusasyon ni Msgr. Roberto Olaguer, NBP chaplain.

“Sinabi ko na noong Lunes na kung may kubol si Jaybee Sebastian, dapat nang gibain yun. ‘Wag na nilang hintayin na ako pa ang gumiba sa kubol,” giit ng kalihim.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Ito ay matapos salakayin ng pinagsanib na puwersa ng NBI, Philippine Drug Enforcement Agency, Philippine National Police, Commission on Human Rights, at Presidential Anti-Organized Crime Commission, ang NBP Maximum Security Compound base sa intelligence report na patuloy ang operasyon sa ilegal na droga ng ilang high-profile inmate.

Sa halip na makahanap ng shabu laboratory sa loob ng pasilidad, nabulaga si De Lima at raiding team sa magarbong pamumuhay ng mahigit 20 high-profile inmate na nakapagpatayo ng kubol na kumpleto sa appliances, jacuzzi, sauna bath at cell phone.

Nakadiskubre rin ang awtoridad ng mga baril sa selda ng mga preso na pag-aari umano ng ilang pulitiko, kabilang si Guimaras Rep. Joaquin Carlos Nava.

Nagresulta ito sa pagkakalipat ng 20 high-profile inmate sa NBI Headquarters sa Manila.

Noong Lunes, nakakumpiska pa ng karagdagang kontrabando ang mga jail guard na kinabibilangan ng 21 baril, mahigit 250 patalim at 341 cell phone.