Isang NBA writer ang nagbalita kamakailan na minamataan ng Miami Heat ang Gilas Pilipinas naturalized player na si Andray Blatche.

Sinabi ni Marc Stein ng ESPN.com sa Twitter noong isang araw ang nagsasabi na nakatuon ang pansin ng Heat kay Blatche matapos nitong matalo sa bid para kay Josh Smith, na mas piniling maglaro para sa Houston Rockets matapos mai-waive ng Detroit Pistons.

“Heard while in Miami: Heat have Andray Blatche in their sights after Josh Smith wound up choosing Houston to team up with pal Dwight Howard,” ayon sa Tweet ni Stein.

Ngunit sinabi rin ni Stein na maaaring matagal ang Heat na mapapirma si Blatche dahil sa kasalukuyan nitong stint sa China.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Si Blatche ay naglalaro para sa Xinjiang Flying Tigers sa Chinese Basketball Association na magtatapos sa Pebrero.

Gumawa ng malakas na impresyon ang 6-foot-11 center noong World Cup sa Spain kung saan siya nagtala ng averages na 21.2 puntos, 13.6 rebounds, at 1.6 steals para sa Gilas Pilipinas na nagtapos na may 1-4 record sa group stage.

Sa kabila ng naging pagpapakita ni Blatche sa Spain, hindi siya pinapirma ng kahit anong NBA team dahilan upang lumagda siya sa Chinese club.