DI MADAWAT ● “Di madawat,” reaksiyon ng aking Cebuanang maybahay sa balita sa TV kamakailan hinggil sa ating perang papel sa huling bahagi ng 2015. Ang “di madawat” ay nangangahulugan ng “hindi na tatanggapin”. Napabalita kasi na ide-demonitize na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga lumang perang papel sa susunod na taon, ibig sabihin, tatanggalin na ang luma sa sirkulasyon. Pagsapit ng 2016, ang serye ng perang papel na inisyu ng BSP noong 2011 lamang ang gagamitin. Ayon sa BSP, maaari pang gamitin ang lumang perang papel sa buong 2015 ngunit mawawalan na ito ng halaga pagsapit ng 2016. Kaya kung may alkansiya ka na naglalaman ng mga lumang perang papel, maaari mo na itong ideposito sa totoong bangko sapagkat ang mga lumang pera mo pagsapit ng 2016 ay magiging pera-perahan na lang.

***

MAGPAPABUGBOG AKO ● Dahil sa tagumpay ni Cong. Manny Pacquaio, halos lahat na yata ng boksingerong Mexicano ay gustong magpabugbog sa ating Pambansang Kamao. Nagpahayag si Mexican-American boxer Jessie Vargas na hahamunin niya ng basagan ng mukha si Manny kapag hindi natuloy ang bakbakang Pacquiao-Mayweather sa susunod na taon. Ani Vargas, na isang undefeated right-handed, naniniwala siyang kayang-kaya niyang pabagsakin si Manny. Sa isip ko, baka hindi nalalaman nito ang sinasabi niya. Mas angkop yata na sabihin niyang ‘Magpapabugbog ako kay Manny’. Si Manny, habang nasasaktan, lalong lumalabas ang tapang. Pero natalo daw ni Vargas ang protégé ni Freddie Roach na si Antonio DeMarco. Sana matuloy ang laban ni Manny kay Mayweather at mapatulog ng ating Pambansang Kamao nang makita ni Vargas ang hinahanap niya.

***

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

HAPPY NEW WOUND ● Malamang kasama sa ingay mamayang hatinggabi ang malalakas na paputok tulad ng Piccolo. Malamang din na may ilang iresponsableng gun owner ang magpapaputok ng kanilang mga baril sabay sigaw ng Happy New Year. Bukas ng umaga huwag sana nating mabasa sa mga pahayagan ang ilang daang sugatan, mangilan-ngilang bumulagta dahil sa ligaw na bala. Dahil sa katigasan ng ulo ng marami sa atin, hindi malabong mangyari ito. Polusyon sa hangin, basura sa lahat ng dako, mga kamay at mukha na duguan… Happy New Year!