Matapos ang sunud-sunod na bawas presyo, nagpatupad naman ng oil price hike ang tinaguriang “Big 3” oil company, kahapon ng madaling araw.

Epektibo 12:01 ng madaling araw ay nagdagdag ang Shell ng 30 sentimos sa kada litro ng gasolina at 10 sentimos sa kerosene habang walang paggalaw sa presyo ng diesel nito.

Bandang 6:00 ng umaga, sumunod sa kasing halaga ng dagdag-presyo sa gasolina at kerosene ang Chevron at Petron.

Asahan na ang pagsunod ng iba pang kumpanya ng langis sa ipinatupad na oil price hike ng Big 3.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Samantala, pinagdududahan ngayon ng mga motorista ang biglang dagdag-presyo sa petrolyo na maaaring simula na umano ng tuluy-tuloy na pagtaas sa presyo ng gasolina at diesel na sangkalan ng mga negosyante sa pagtaas ng bilihin at serbisyo.

Sa tatlong linggo ng buwan ng Disyembre 2014, sunud-sunod ang big-time oil price rollback na ipinatupad ng mga kumpanya ng langis, kaya ibinaba ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa P7.50 ang minimum na pasahe sa jeepney.