Ni Edd K. Usman

Hitting two birds with one stone ang game plan ngayon ng Department of Science and Technology (DoST) upang maresolba ang pagsisikip ng trapiko at maibsan ang polusyon sa hangin sa Metro Manila sa pamamagitan ng mass transport development program ng kagawaran.

Ito ang tinututukan ng DoST sa pagpapatuloy ng research and development (R&D) project nito para sa Automated Guideway Transit (AGT). Ang AGT ay isa sa tatlong R&D ng kagawaran sa mass transport systems, kabilang ang isang Hybrid Road Train, at ang retrofitting ng 40 hindi pa nagagamit na tren ng Philippine National Railways (PNR).

Pinatatakbo ng kuryente ang AGT train, kaya naman environmental-friendly ito kumpara sa mga karaniwang transportasyon sa bansa, gaya ng nagbubuga ng maiitim na usok na mga jeepney, taxi at bus.

Metro

Lalaki, pinagsasaksak sa dibdib dahil umano sa paggamit ng basketball court

Sa pakikipagtulungan sa University of the Philippines (UP)-Diliman, lumikha na ang DoST ng mga prototype na nagsagawa na rin ng test-run sa elevated track ng unibersidad at sa isa pang elevated track sa Bicutan, Taguig City. Ang nasa Bicutan ay mas malaki at kayang magsakay ng 120 pasahero sa bawat coach, 50 naman ang naisasakay ng AGT sa UP Diliman.

Pinag-aaralan ng DoST at ng mga ahensiya nito ang commercialization ng AGT, na pinag-iibayo pa ang pagtiyak sa kaligtasan ng mga pasahero, sa emergency protocol kapag biglang nag-brownout, at sa ligtas na distansiya kapag humihinto.

Ikinokonsidera rin ng DoST ang mga site extension para sa mga AGT train, gaya ng pagpapahaba sa Bicutan AGT track hanggang sa Circumferential Road (C)-6, o posibleng hanggang sa Rizal, habang plano namang paabutin sa PhilCOA at Katipunan ang biyahe ng AGT sa UP Diliman.