Ang single-lane restriction para sa mga truck sa Katipunan at sa buong C5 Road ay patuloy na ipatutupad sa susunod na anim na buwan, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sinabi ni Emerson Carlos, assistant general manager for operations ng MMDA, na naisaayos ang trapiko at nabawasan ang naitatalang aksidente na kinasasangkutan ng mga truck sa dalawang nabanggit na kalsada.
“Mula sa 27 aksidente kada araw, nasa single digit na lang ngayon ang mga naitatalang aksidente dahil sa pagpapatupad ng one-lane truck policy,” sabi ni Carlos, idinagdag na nakatulong din ito para madisiplina ang mga trucker.
Dahil dito, inaprubahan ng Special Traffic Committee ng Metro Manila Council (MMC) ang pagpapalawig sa one-truck lane policy sa C-5 at Katipunan mula sa Pebrero 1 hanggang sa Hulyo 31, 2015.