Isa na namang pulis-Maynila ang nahaharap sa kasong kriminal matapos pagbabarilin ang isang binatilyo na sangkot sa ilegal na karera ng motorsiklo sa Quirino Grandstand, kahapon ng madaling araw.
Ang biktima ay nagtamo ng tama ng bala sa leeg at kasalukuyang nagpapagamot sa Ospital ng Maynila.
Subalit sinabi ng kapatid ng biktima, ang nag-iisang testigo sa insidente, na hindi pa nila matukoy ang pagkakakilanlan ng pulis na bumaril sa biktima.
Napag-alaman na mahigit 100 rider ang sumabak sa ilegal na karera sa Quirino Grandstand, na ang premyo ay aabot sa P5,000 hanggang P10,000.
"MAraming pulis ang ipinapatigil ang karera. Pinagsisipa pa kami ng ilan sa kanila. Pinaligiran din kami ng mobile. Matapos ang ilang segundo, nakarinig kami ng putok at nakita ko ang kapatid kong bumagsak sa lupa,” anang testigo.
Aniya, nakumbinsi pa nila ang isang pulis na isugod ang kanyang kapatid sa Ospital ng Maynila gamit ang motor ng biktima. Subalit nang umabot sila sa ospital, biglang tumalon ang ‘di kilalang pulis mula sa motorsiklo at sinabing iihi lang siya ngunit hindi na nagpakita muli. - Jenny F. Manongdo