Laro ngayon (Mall of Asia Arena):

4:15pm – Alaska vs. Rain or Shine

Nakatakdang magbigay ng isang ‘special treat’ ang Philippine Basketball Association para sa lahat ng kanilang fans at tagasuporta ngayong Kapaskuhan sa pamamagitan ng pagbubukas ng general admission section para sa publiko sa Mall of Asia Arena.

Magtutuos para sa Game Four ng kanilang ginaganap na best-of-seven semifinals series ang Alaska at ang Rain or Shine ngayong Pasko na magsisimula ng alas-4:15 ng hapon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Maaga pa lamang ay mamimigay na ng mga tiket para sa lahat ng mga gustong manood ng laro ngunit isasagawa ito sa pamamagitan ng ‘first come, first serve basis’.

Ito ang paraan ng PBA, ayon kina PBA Chairman Patrick Gregorio at Commissioner Chito Salud, para imbitahan ang mga fans na magdiwang ng Pasko kasama ng liga.

“Paanyaya at pasasalamat sa mga fans ng PBA sa apat na dekadang pagsasama at pagsuporta. Sama-sama tayong mag Pasko,” pahayag ni  Salud.

“Nais po namin sa PBA board na magpasalamat sa ating mga basketball fans. This special free tickets offer is for all of you our beloved fans. Bring the family on Christmas Day,” ayon naman kay Gregorio.

“Bahagi na ng pagdiriwang ng Pasko ang magkaroon ng PBA game. Gusto po naming magpasalamat sa aming PBA fans sa lahat ng suporta. Dumayo po kayo sa Mall of Asia ngayong Dec. 25. Maligayang Pasko sa inyong lahat,” dagdag pa nito.

Inaasahang magiging dikdikan ang nasabing laban na magpapainit ng malamig na simoy sa Kapaskuhan dahil maghahangad ang Aces na makakuha ng 3-1 bentahe at makahakbang palapit sa asam na pagpasok sa kampeonato habang magkukumahog naman ang Elasto Painters na maitabla ang laban at ibaba ito sa best-of-3.

Kasunod nito ay magtutuos naman ang San Miguel Beer at ang Talk ‘N Text kinabukasan ganap na ika-7 ng gabi sa nasabi ring venue para  sa Game Four ng sarili nilang best-of-seven series kung saan angat ang Beermen sa kasalukuyan, matapos maipanalo ang unang dalawang laban.