Kapwa nabigo sina Charly Suarez at Mark Anthony Barriga na maging unang mga atletang PIlipino na makatuntong sa kada apat na taong Olympic Games na gaganapin sa Rio De Janeiro, Brazil sa 2016.
Ito ay matapos kapusin ang 26-anyos at 2014 Asian Games silver medalist na si Suarez sa kanyang laban noong Disyembre 20 sa Lightweight Division (60kg) sa Daulet Sports Complex sa Astana, Pakistan kontra sa 25-anyos mula Uzbekistan at naging Beijing 2008 Olympian na si Hurshid Tojibaev.
Nabalot ng kontrobersiya ang laban sni Suarez matapos na magtabla ang dalawa sa puntos sa Judge A sa iskor na 57:57. Napag-iwanan si Suarez sa Judge B sa iskor na 56:58 bago naman nakabawi sa Judge C sa iskor na 58:56. Gayunman, iginawad ang panalo sa Uzbekistan.
Si Tojibaev ay pamilya na sa labanan sa APB matapos itong makasama sa dalawang magkaibang koponan sa isa pang revolutionary tournament ng AIBA na World Series of Boxing (WSB) kung saan naging miyembro ito ng Mexico City Guerreros at Azerbaijan Baku Fires.
Dahil sa kabiguan ay nabigong makatuntong si Suarez sa kampeonato na dapat sanang magiging tiket nito para sa isang silya sa mapipiling boksingero na sasabak sa 2016 Rio Olympics.
Kinakailangan ngayon ni Suarez at maging si Barriga na dumaan sa mas mahahabang laban sa susunod na mga qualifying tournament na Continental at World Championships upang makaagaw ng silya sa Olimpiada.
Nabigo naman si Barriga kontra Bin LV ng China sa Light Flyweight Division (46-49kg) sa split decision.
Nakuha ng 20-anyos na si LV, na naging gold medalist noong 2012 AIBA Youth World Boxing Championships sa Yerevan at bronze medalist sa ASBC noong 2011, ang unang round sa iskor na 55-59 bago nakabawi si Barriga sa ikalawang round sa iskor na 58:56.
Nagawa naman makabalikwas ng Chinese sa ikatlong round matapos na itakas ang 56:58 iskor upang agawin ang silya sa kampeonato at ang isang tiket sa Olimpiada. (Angie Oredo)