Hangad ng Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) na ipadala ang 16 na pambansang atleta sa Estados Unidos upang ihanda sa paglahok sa iba’t-ibang torneo at sanayin sa ilalim ng mahuhusay na coaches para sa 28th Southeast Asian Games sa Singapore.
Sinabi ni PSC Commissioner Atty. Jose Luis Gomez na natukoy ng ahensiya at asosasyon sa athletics ang 16 na atleta na malaki ang posibilidad na makapagbigay ng medalya sa bansa na asam nitong ipadala at sanayin sa mga de-kalidad na track and field coaches sa San Diego, California sa US.
“Every week halos ay may mga tournament in San Diego which our athletes can use as training and preparation for the SEA Games,” sabi ni Gomez. “Plus, they will have the advantages of being under high-standard coaches which could improve their performance and train them properly.”
Habang naghahanda sa Estados Unidos ay exempted naman na ang mga ipapadalang atleta sa isasagawang 2015 Philippine National Games (PNG). Ilan sa inaasahang ipapadala ng PSC at PATAFA sina Eric Cray sa 400m, Jesson Ramil Cid sa decathlon, Archand Christian Bagsit sa 400m at 4x400m, EJ Obiena sa pole vault, Marestella Torres sa long jump, Mervin Guarte sa 800m at 1,500m at si Mary Joy Tabal sa marathon.
Ilang bagong diskubre nito ang inaasahan nitong makakatulong sa kampanya ng bansa na sina Tanya Ruiz sa High Jump, Bryan Mercado sa 100m dash at ang Fil-American na si Caleh Stewart na nalalapit ang inihahagis nito sa pag-break sa rekord sa hammer throw at shot put.
Matatandaang huling lumahok ang athletics team sa Myanmar SEA Games kung nagwagi sina Edgardo Alejan Jr,, Archand Christian Bagsit, Isidro Del Prado Jr., Julius Nierras Jr.,Jesson Ramic Cid, Eric Shauwn Cray, Henry Dagmil, Mervin Guarte at Arniel Ferreira.
Umaasa naman ito sa apat na iba pang sports na swimming, cycling, shooting at gymnastics na makakapagbigay din sa inaasam nitong kabuuang 120 medalya sa paglahok ng banda sa 2015 SEA Games.
“We expect athletics to have 8 golds. Also, we are looking at boxing and wushu to contribute,” sabi pa ni Gomez. Unang masusukat ang kakayahan at kundisyon ng pambansang atleta sa athletics sa pagsasagawa ng Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) ng ibinabalik nitong Philippine Open sa Marso 19 hanggang 21 sa Laguna Sports Complex.
Umaasa si PATAFA president na si Philip Ella Juico na marami itong madidiskubreng mga bago at mas batang atleta na hinahanap ng asosasyon upang mapunuan nito ang lahat ng 45 events sa sports.