UNITED NATIONS (AP) – Pinabulaanan ng North Korea na may kinalaman ito sa pag-hack sa Sony kaugnay ng isang pelikula ng huli na nagbibigay ng kahihiyan sa imahe ng bansa.
Sinabi ni United Nations diplomat Kim Song sa Associated Press na bagamat tinututulan ng kanyang bansa ang pelikulang “The Interview”, tungkol sa planong patayin ang pinuno ng bansa na si Kim Jong Un, sinabi niyang ito ay “no relation” sa hacking, na sinisi ng FBI sa North Korea.
“It made a mockery of our sovereignty,”, sinabi ni Kim tungkol sa pelikula.
Ilang minuto makaraang itanggi ng North Korea ang pagkakasangkot sa hacking ay nangako si US President Barack Obama na gaganti ang Amerika “in a place and manner and time that we choose”.
Kasabay nito, binatikos ni Obama ang Sony sa pagpayag na huwag nang ipalabas sa mga sinehan ang nasabing pelikula, iginiit na “We cannot have a society in which some dictator someplace can start imposing censorship.”
Dahil sa nangyari ay naka-high alert na ang mga kumpanya sa mundo upang paigtingin ang kani-kanilang network security at maiwasang magiging susunod na biktima ng cyberattack.