BOSTON (AP)– Naitrade na ng Boston Celtics ang point guard na si Rajon Rondo sa Dallas kahapon, at pinakawalan na ang huling bahagi ng kanilang huling NBA championship habang binigyan naman si Dirk Nowitzki at Mavericks ng tsansa para sa isa pang titulo.
Ipadadala ng Celtics si Rondo at forward na si Dwight Powell sa Dallas para kina Jameer Nelson, Jae Crowder, Brandan Wright, dalawang draft picks at isang $12.9-milyong trade exception.
‘’Welcome to Rajon Rondo the newest member of the Dallas Mavericks,’’ sinabi ni team owner Mark Cuban sa social media application na Cyber Dust ilang sandali matapos ang opisyal na pagaanunsiyo ng kasunduan.
Pinasalamatan din niya ang tatlong papaalis na manlalaro at tinawag silang ‘’Amazing players and better people.’’
Nakuha ng Boston ang first round pick sa draft sa susunod na taon at isang second rounder sa 2016. Ang Celtics ay mayroong walong first round picks sa susunod na apat na taon, nakuha ang mga ito mula sa mga trade nina Kevin Garnett at Paul Pierce at maging kay coach Doc Rivers sa kanilang pagpapakawala sa malalaking bahagi ng New Big Three na nagbigay sa prangkisa ng kanilang ika-17 NBA title noong 2008.
‘’We would not have won Banner 17 without Rajon and will always consider him one of our most valuable Celtics,’’ lahad ng team owners sa isang joint statement. ‘’We will always cherish the time he was here.’’
Nakakuha ang Mavericks ng pass-first point guard – isang four-time All-Star upang makipagtambal kina Nowitzki, Monta Ellis, Chandler Parsons at Tyson Chandler sa pagasang magiging contender silang muli. Ang Dallas ay 19-8 ngayong season ngunit nasa ikatlong puwesto sa Southwest Division at ikaanim sa Western Conference.
Ang Mavericks, mula nang mapanalunan ang kanilang nag-iisang NBA title noong 2011, ay hindi pa nananalo ng playoff series mula noon.
Si Rondo, 28, ay sumanib sa rebuilding ng Celtics bilang 21st overall pick mula Kentucky noong 2006 at naging point guard para sa NBA champion sa kanyang ikalawang taon nang makuha ng Boston sina Ray Allen at Kevin Garnett ng sumunod na summer. Tinulungan nila ang Celtics na muling makaabot sa NBA finals may dalawang taon na ang nakalipas.
Si Rondo ay nag-average ng 11 puntos, 8.5 assists at 4.7 rebounds sa kanyang career. Hindi siya nakapaglaro sa
ikalawang half ng 2012-13 season at unang half ng nakaraang season dahil sa reconstructive knee surgery.
Sa 22 laro ng Boston ngayong season, si Rondo ay nagkaroon ng NBA-best na 10.8 assists kada laro at 8.3 puntos kasama ang 7.5 rebounds.