Ni Ellson A. Quismorio

Hinamon ni House Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte ang kanyang mga kapwa kongresista na hindi lamang basta itayong muli ang mga nawasak na istruktura kundi ibalik ang pag-asa sa puso ng mga residente sa mga lugar na sinalanta ng mga kalamidad.

“Ang mas matinding hamon sa rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ng bagyo ay ang pagkakaloob ng pagkakataong matulungan ang mga biktima na magpursige para makabangon,” sinabi ni Belmonte sa pagtatapos ng

huling plenary session ng Kongreso ngayong taon.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Malinaw na tinutukoy ni Belmonte ang Tacloban City sa Leyte at ang iba pang siyudad at bayan sa Central Visayas na matinding sinalanta ng bagyong ‘Yolanda’ noong Nobyembre 8, 2013. Mahigit isang linggo pa lang ang nakalipas nang hagupitin naman ng bagyong ‘Ruby’ ang nabanggit na mga lugar sa rehiyon.

“Hindi sapat na maitayo lang natin muli ang mga nasirang imprastruktura at ari-arian, o maibalik ang pagkakakitaan o maipagpatuloy ang mga klase sa paaralan. Dapat din nating ibalik ang pag-asa, tiwala at pagbagon sa mga apektadong indibiduwal, pamilya at komunidad,” sabi ni Belmonte.

Sinabi pa ng kinatawan sa Kongreso ng Quezon City 4th District na ang “genuine empowerment” ng mga tao, partikular ang mga nakaligtas sa bagyo, ang tanging paraan upang “[they can] live their own lives, fend for their own families, and carve their own future.”

“Kailangan nating magkaloob ng mas maraming trabaho at oportunidad para sa mamamayan. Hindi tayo dapat na makuntento sa status quo. Dapat na patuloy tayong magsikap para sa pagsusulong ng ating ekonomiya at lipunan,” sabi ni Belmonte, na mistulang pagtukoy sa isinusulong niyang Economic Charter Change o “Chacha”.

Pinagtibay ng Kongreso noong gabi ng Disyembre 17 ang inaprubahan ng Senado na P22.4 bilyon na supplemental budget para sa 2015, na naglalaan ng karagdagang P9.5 bilyon sa nagpapatuloy na rehabilitasyon sa mga lugar na sinalanta ng Yolanda.