Ni JERRY L. ALCAYDE
CALAPAN CITY, Oriental Mindoro – Patay ang isang barangay chairman matapos siyang pagbabarilin nang malapitan ng tatlong hindi nakilalang lalaking sakay sa motorsiklo noong Martes ng hapon.
Kinilala ni Oriental Mindoro Police Provincial Office director Senior Supt. Florendo C. Quibuyen ang biktimang si Xyrel Cepeda Flores, 38, chairman ng Barangay Labonan, sa liblib na bahagi ng Bongabong.
Sa report ni Quibuyen kay Chief Supt. Dennis J. Peña, director ng Police Regional Office (PRO)-4B (Mimaropa), dakong 5:15 ng hapon at lulan ang biktima sa kanyang pulang Honda XRM motorcycle habang binabagtas ang Sitio Sentro sa Bgy. Polusahi nang pagbabarilin siya nang malapitan ng mga suspek sa iba’t ibang bahagi ng katawan na agad niyang ikinamatay.
Tinangay din ng isa sa mga suspek ang motorsiklo ni Flores bago sila nagsitakas.
Inaalam na ng mga imbestigador kung may kinalaman ang pamamaril sa naunang insidente na kinasasangkutan ng kapatid na lalaki ni Flores na pangunahing suspek sa pagpatay sa isang magsasaka at sa dalawa nitong anak ng apat na armadong lalaki noong Marso 30.
Itinanggi naman ng suspek na si Mark Anthony Cepeda, tauhan ng Intelligence Service ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nasabing akusasyon nang sumuko siya noong Abril 3 sa superior niyang si Lt. Col. Ferdinand Marcelino sa Camp Eldridge sa Los Baños, Laguna.