Iniutos kahapon ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas sa Philippine National Police (PNP) ang pagsasagawa ng isang protocol para sa paghahanda at pagtugon ng pulisya sa panahon ng bagyo at iba pang sakuna.

“Sa panahon ng sakuna, kapag nakita ng tao na nariyan ang pulisya, nakikita na rin nilang nariyan ang pamahalaan,” sinabi ni Roxas kay Police Community Relations Director Gen. Danilo Constantino.

Sa pagpupulong, kasama ang ibang opisyal ng PNP, iniulat ni Constantino na ipinadala nila ang Special Action Force (SAF) ng PNP sa Eastern Samar samantalang naka-standby naman ang iba pang unit kung sakaling kailanganin ang kanilang pagtugon.

Sa kabila ng mga ulat ni Roxas na walang naganap na nakawan sa mga tinamaan ng bagyong ‘Ruby’, idiniin pa rin niya ang pangangailangan para sa isang pagtuon na hindi bara-bara, hindi kanya-kanya at hindi ningaskugon, lalo na sa mga apektadong lugar.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Dapat tayong kumilos bilang isang institusyon, hindi lang dahil ako ang nandito o kung sino man ang kalihim ng DILG,” ani Roxas.

Mayroong 132 mula sa SAF na ipinadala sa Eastern Samar, 62 sa kanila ang inilagay sa major supply routes habang 70 naman ang umalalay sa mga relief operation.

Binantayan din ng pulisya ang mga opisina ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang pantalan sa Allen at paliparan ng Borongan City na nakatulong sa pagpigil sa kriminalidad sa lugar.

“Hindi namin ito magagawa kung wala ang suporta ng mga local government unit (LGU),” sabi naman ni Constantino.

Iminungkahi ni Roxas kay Constantino na makipagtulungan sa Philippine National Police Academy (PNPA) at sa Philippine Public Safety College (PPSC) sa pagbuo ng nasabing protocol.

Kasama sa protocol na ito, hindi lamang ang mga plano ng pagpapadala ng mga pulis sa mga tatamaan ng bagyo, ang pagbuo ng mga komite, partikular na ang pangangailangan ng mga magiging kabahagi ng Search, Rescue at Retrieval (SRR) Teams.

Pinag-aaralan din ng DILG ang paglakip ng satellite phones sa mga kagamitang dapat na mayroon ang PNP sa panahon ng sakuna.

“Ito dapat ang protocol sa mga labis na tinamaan ng bagyo hindi dahil naroon ako sa Eastern Samar kundi dahil iyon naman talaga ang dapat,” giit ni Roxas.