Iginiit ni Senator Ferdinand Marcos Jr., ang agarang pag-apruba sa pagbuo ng Biñan City bilang isang congressional district ng lalawigan ng Laguna.
Ayon kay Marcos, chairman ng Senate committee on local government, kailangang maaprubahan ito para matiyak na maayos ang mga pangangailangan sa nabanggit na syudad.
Sa kanyang committee report No. 27, sinabi ni Marcos na malaki na ang pangangailangan ng Biñan dahil na rin sa patukoy na pagdami ng kanilang populasyon at ito rin ang paborito ng mga mamumuhunan.
Lampas na sa 250,000 ang populasyon ng Biñan, mataas sa itinakda ng Saligang Batas para sa isang disstrito habang umabot na rin sa P13 bilyon ang kita nito sa nakalipas na tatlong taon.
Aniya, malapit din ito sa Metro Manila at paboritong paglagakan ng puhunan ng mga lokal o banyagang kumpanya katulad ng Honda Parts Manufacturing Corp., Toshiba Philippines, Hitachi Computer Products Asia, Gardenia Bakeries Philippines Inc., Nidec Corporation, Isuzu Philippines, Atlas-Copco, Ryonan Electric, Cirtek Electronics, Nissin Brake and Kito Corporation, na matatagpuan sa Laguna International and Industrial Park at Laguna Technopark Inc.
Nauna nsng ipinaliwanag ni Laguna Rep. Danilo Ramon S. Fernandez at Biñan Mayor Lenlen Alonte-Baguiat, na mula noong 2009 nang ito ay maging isang lungsod, lumaki ang ekonomiya at populasyon ng Biñan.
Anila, bago pa man naging syudad, ang Biñan ang pinakamayamang munisipyo na may gross annual income na P677 milyon at net income na P250 milyon mula pa noong 2007 kaya’t umabot na ito sa P1.3 bilyon batay sa ulat ng Commission on Audit (COA).