Naghain si Manila 4th District Rep. Ma. Theresa Bonoan ng panukala na magtatatag sa Manila Ports and Special Economic Region Administration (MPSERA) na tutulong sa pangmatagalang solusyon sa port congestion sa Maynila.
Hinihiling ni Bonoan kay Pangulong Benigno S. Aquino III na sertipikahang urgent ang House Bill 4312 at paglaanan ito ng P7 bilyon.
Ayon sa kanya, ang P3 bilyon ay gagamitin sa konstruksiyon ng mga tulay na mag-uugnay sa North at South Harbor at isang flyover mula sa port areas patungo sa South Luzon Expressway (SLEX).
Ang nalalabing P4 bilyon ay gagamitin naman sa relokasyon at pabahay para sa informal settlers.
Sinabi ni Bonoan na ang MPSERA ay magiging isang public benefit corporation, na lilikha ng isang world-class Manila port para sa kapakanan ng susunod na henerasyon dahil mababawasan ang polusyon sa Manila Bay.