Pinalawig ng Philippine National Railways (PNR) ang oras ng operasyon nito upang maisakay ang lahat ng pasahero na inaasahang dadagsa papunta at mula sa Divisoria sa Maynila ilang araw bago ang Pasko.

Sinabi ni PNR General Manager Joseph Allan Dilay na sinimulan na ng PNR noong Martes ang pagdadagdag ng biyahe ng Metro South Commuter (MSC) line mula sa Alabang sa Muntinlupa City hanggang sa Tutuban sa Manila, na malapit sa Divisoria.

“Noon, ang huling northbound trip mula sa Alabang ay umaalis ng 7:30 ng gabi at ang biyaheng southbound ay umaalis naman sa Tutuban ng 7:07 ng gabi. Simula noong Disyembre 2, nag-deploy kami ng karagdagang northbound trip ng 7:50 ng gabi at soundbound trip ng 7:37 ng gabi,” ani Dilay.

Ang pagpapalawig ng biyahe ng MSC ay dahil sa 20 porsiyentong pagdami ng araw-araw na pasahero ng PNR, pero sinabi ni Dilay na magiging regular na ang nasabing dagdag na biyahe kahit pa matapos na ang Disyembre.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Hindi gaya ng PNR, mag-o-operate sa regular nitong schedule ang mga tren ng Light Rail Transit (LRT) Lines 1 at 2, at Metro Rail Transit (MRT) Line 3 kahit pa pinalawig ang operasyon ng mga shopping mall sa Metro Manila ngayong Christmas season.

Ayon kay Light Rail Transit Authority (LRTA) Administrator Honorito Chaneco, kung palalawigin ang biyahe ng LRT at MRT ay masasakripisyon ang pagmamantine sa mga tren at mga elevated rail system.

Ang pagmamantine sa mga railway system ay araw-araw na isinasagawa mula 10:00 ng gabi hanggang 3:00 ng umaga. (Kris Bayos)