Nina ROMMEL P. TABBAD at MARS W. MOSQUEDA JR.

Posibleng mag-landfall sa Visayas region ang bagyong ‘Ruby’, na may international name na ‘Hagupit’, sa loob ng 24 oras.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), maaaring magbago ng direksyon ang nasabing bagyo pero malaki ang posibilidad na tatama ito sa kalupaan.

Sinabi naman ni Aldczar Aurelio, weather specialist ng PAGASA, posibleng lumakas pa ang bagyo na taglay ang hanging nasa 130 kilometro kada oras malapit sa gitna sa ngayon.

National

Sen. Bong Go, pinakiusapan si Sen. Imee na pagkasunduin muli sina PBBM, VP Sara

“To be realistic and very objective, yes there is a possibility that it will increase ‘yung strength niya to become a stronger typhoon, signal number 3. Baka lumagpas pa rin ‘to sa signal number 3 o super typhoon,” sabi naman ni Department of Science and Technology (DoST) Secretary Marion Montejo.

Habang isinusulat ang balitang ito, wala pa sa Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyo na patuloy pa ring binabantayan ng PAGASA.

Paliwanag pa ng opisyal, maaaring mag-landfall sa malaking bahagi ng Samar ang bagyo kapag tuluyan na itong pumasok sa bansa. Posible pa itong magbago lalo’t malayo pa ang bagyo.

Ayon pa sa prediksyon ng PAGASA, aabot sa 130 hanggang 165 kilometro kada oras ang lakas ng hangin nito, malakas ang dalang ulan at 500 kilometro ang saklaw ng diametro.

Idinagdag pa nito na posibleng tatama ang bagyo sa bansa sa Sabado o Linggo.

Kaugnay nito, pinaghahanda na ng Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Council (CCDRRMC) ang mga residente at pinayuhang maging maingat dahil tinatayang singlakas ng bagyong ‘Yolanda’ ang bagyong ‘Ruby’.

Pinaghahanda na rin ng Office of the Civil Defense (OCD)-Region 7 ang mga lokal na disaster council sa paglilikas sa mga lugar na delikado sa baha at pagguho ng lupa.

pinakakansela na ni Cebu Gov. Hilario Davide III sa Department of Education (DepEd)-Cebu ang provincial meet, na pagsasama-samahin sana ang mga estudyanteng atleta mula sa Cebu, Argao at Dalaguete ngayong linggo.