RoS Paul Lee shoots over the defense of GlobalPort's Mark Isip during PBA action at Smart Araneta Coliseum.   Photo by Tony Pionilla

Sa kabila ng kinakaharap na problema dahil sa pagkapilay ng kanilang roster sanhi ng injuries, nakuha pa ring makapagtala ng Rain or Shine ng magkasunod na panalo sa ginaganap na PBA Philippine Cup.

Salamat sa ipinapakitang pamumuno ng kanilang playmaker na si Paul Lee.

Binalikat ng 6-foot-guard na galing ng University of the East (UE) ang pangunguna sa kanilang opensa na hindi pa nakukumpleto mula nang mag-umpisa ang season opener conference ng ika-40 taon ng liga.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Itinala ni Lee ang 10 sa huling 15 puntos sa kanyang koponan sa final period matapos ang ginawang take-over-job para maisalba ang Rain or Shine sa nakaamba sanang kabiguan sa kamay ng Purefoods noong nakaraang Martes.

Kasunod nito ay nagsalansan ang 25-anyos na Elasto Painters star ng 18 puntos bukod pa sa mahalagang assist niya sa kakamping si Jonathan Uyloan na pumukol ng isang 3 pointer para mapigil ang paghahabol ng defending champion Purefoods Star at tuluyang maangkin ang panalo, 83-74, noong nakaraang Linggo.

Dahil sa naturang performance, si Lee ang napili para maging Accel-PBA Player of the Week mula Nobyembre 24-30 kung saan ay inungusan niya para sa parangal ang kapwa Gilas mainstay at San Miguel Beer star center na si June Mar Fajardo.

Hindi naman nagdalawang isip na magpahayag si Rain or Shine coach Yeng Guiao ng kanyang buong tiwala sa kanyang prized guard sa tuwing darating ang crunch time.

“Paul will also know how to make the decision, kapag dinikitan siya (on defense), drive and kick lang naman sa kanya ‘yun eh, but (when he takes the crucial attempt) whether he makes it or not, as long as he takes a good shot, we’ll be happy,” ani Guiao, na siya namang binibigyang kredito sa magandang performance na ipinapakita ng dating PBA Rookie of the Year awardee.

Pinanindigan ni Lee ang kanyang mockier na “Lee-thal Weapon” sa kanyang itinalang average na 22.5 puntos, 5.0 rebounds at 4.0 assists na siyang naging susi upang makamit ng kanilang koponan ang ikalimang sunod na panalo.

Ngunit ang pinakamahalaga sa lahat ang pananatili nila sa kontensiyon para sa outright semifinals berth.