Gamit ang isang backhoe, dinurog ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mahigit 8,000 set ng sub-standard na Christmas lights na nakumpiska ng kagawaran sa mga pamilihan sa Metro Manila.

Aabot sa P1.2 milyon halaga ang katumbas ng 8,853 set ng Christmas lights na bumagsak sa pamantayan ng DTI at sinira upang hindi na ito mapakinabangan o muling maibenta dahil sa banta ng kaligtasan ng publiko.

Kasama sa mga sinira ang mahigit 5,000 set ng Christmas lights na nakumpiska sa mga tindahan sa Caloocan City bunsod ng pinaigting na kampanya ng DTI laban sa mga hindi sertipikadong Christmas lights.

Pinangunahan nina DTI Secretary Gregory Domingo at Senate Committee on Trade Chairman Sen. Bam Aquino ang pagwasak sa libu-libong sub-standard Christmas lights na walang Import Commodity Clearance (ICC) sticker at bagsak sa Bureau of Philippine Standards (BPS).

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Inihayag ng kalihim ng DTI na pinagmulta na ang apat na importer at retailer ng mga ilegal na Christmas lights.

Pinagbawalan din ng DTI ang mga kinasuhan na mag-angkat at magbenta pang muli matapos kanselahin ang kanilang ICC certification.

Binalaan ng DTI ang mga manufacturer, importer at retailer ng Christmas lights na may katumbas na P300,000 multa at kanselasyon ng DTI permit o lisensiya sa ilalim ng DTI Administrative Order No. 2 Series of 2007, Consumer Act of the Philippines (Republic Act No.7394) at Standards Law (Republic Act No. 4109) ang naghihintay sa mga mahuhuling lalabag sa panuntunan ng BPS.