Idiniin ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas na kapakanan ng mamamayan ang pangunahing konsiderasyon ng gobyerno sa rehabilitasyon ng mga nasalanta ng lindol sa Central Visayas.
“Kayo po ang nakakaalam. Hindi po namin tinanong ang chaleco n’yo. Hindi namin tinanong kung sino ang sinusuportahan ninyo. Tumulong po kami sa lahat ng nanghihingi,” pahayag ni Roxas sa pagbabalik niya kamakalawa sa Tagbilaran City, Bohol.
Kasama ni Roxas ang 18 engineer mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at 15 mula sa DILG upang tumulong sa mga lokal na pamahalaan sa muling pagbangon ng lalawigan mula sa magnitude 7.2 na lindol noong Oktubre 2013.
Patunay pa rin ito ng “whole of government approach” na nilalayon ni Pangulong Benigno S. Aquino III na walang sinisino pagdating sa paghahatid ng tulong, anuman ang partidong kinabibilangan.
Sa kabuuan, naglaan ang gobyerno ng aabot sa P2.4 bilyon sa pamamagitan ng DILG bilang bahagi ng Bohol Earthquake Assistance (BEA) fund para sa lalawigan Sa nasabing halaga, mahigit P351 milyon ang inilaan sa pamahalaang panlalawigan, mahigit P1 bilyon para sa unang distrito, mahigit P666 milyon para sa ikalawang distrito, at mahigit P334 milyon para sa ikatlong distrito.
Dumalo naman sa pulong sina Bohol Gov. Edgar Chatto, Quezon City Rep. Kit Belmonte at DILG Regional Director Ananais Villacorta na sumama rin kay Roxas sa bayan ng Albuquerque upang inspeksyunin ang proyektong Sagana at Ligtas na Tubig sa Lahat (Salintubig) ng DILG.