Charo Santos

PINARANGALAN ang ABS-CBN President at CEO na si Charo Santos-Concio ng Gold Stevie Award sa kategoryang Female Executive of the Year in Asia, Australia or New Zealand sa prestihiyosong Stevie Awards for Women in Business sa New York noong Biyernes, November 14.

Ang Stevie Awards for Women in Business ang nangungunang business awards program na kumikilala sa mga babaeng negosyante, executive, empleyado, at mga organisasyon na pinamamahalaan nila. Lahat ng indibidwal at organisasyon, pampubliko man o pribado, maliit o malaki, ay maaaring magpadala rito ng nominasyon. Ngayong taon, nakatanggap ito ng entries mula sa 22 na bansa sa mundo.

“Ibinabahagi ko ang parangal na ito sa mga kapwa ko Pilipino at sa pamilya ko sa ABS-CBN na walang sawang naglilingkod sa mga Pilipino saan man sa mundo at tumutulong sa mga nangangailangan, kaya naman nagpapasalamat ako sa kanila at ikinararangal kong maging pinuno ng isang kumpanyang pagbibigay ng serbisyo publiko ang pangunahing layunin,” pahayag ni Ms. Charo Santos-Concio.

National

Bulkang Kanlaon, alert level 3 pa rin!

Pinarangalan si Charo para sa kanyang epektibong pamamahala sa ABS-CBN nitong nakaraang taon, dahilan ng patuloy nitong pamamayagpag sa TV ratings, pagtaas ng kita ng kumpanya, pagtabo sa takilya ng mga pelikula ng Star Cinema, ang pagtanggap ng kumpanya ng mataas na credit rating para sa bond offering nito, paglulunsad ng mga bagong negosyo gaya ng ABS-CBNmobile, theme park na Kidzania Manila, at ang TV home shopping channel na O Shopping, at pagbibigay ng serbisyo publiko para sa mga naapektuhan ng lindol sa Bohol, gulo sa Zamboanga, at bagyong Yolanda, at ang matagumpay nitong 60th anniversary celebration.

Ang mga Stevie Award winner ngayong taon ay masusing pinili ng mahigit sa 160 executives sa buong mundo na naging bahagi ng judging process.

Una nang nagwagi si Charo bilang Woman of the Year para sa lahat ng mga bansa sa Asia-Pacific (maliban sa Australia at South Korea) sa 2014 Asia-Pacific Stevie Awards nitong Mayo. Hinirang din siya bilang Asian Media Woman of the Year ng ContentAsia, ang nangungunang publication na pinagkukunan ng mahahalagang impormasyon tungkol sa entertainment media industry sa buong Asia-Pacific.

Wagi rin ang dalawa pang Pinay sa ika-11 Stevie Awards for Women in Business na sina Jena Fetalino, ang pangulo ng Mosman NewMedia Inc. na naglalathala ng Medical Observer na nagwagi ng Gold Stevie Award sa Female Executive of the Year - Business Services (10 or Less Employees) category, at Atty. Darlene Marie Berberabe, ang CEO ng Pag-ibig Fund, na nanalo ng Silver Stevie Award sa Female Executive of the Year - Government or Non-Profit category, ayon sa www.stevieawards.com, ang opisyal na website ng Stevie Awards.