Hindi pa man nagsisimula ang kampanya ng Pilipinas sa nalalapit na 6th ASEAN Schools Games, agad nabawasan ng posibleng gintong medalya ang bansa sa pag-atras ng ilang mahuhusay na atleta na dapat ay sasabak sa torneo sa Nobyembre 29 hanggang Disyembre 7.
Napag-alaman sa isang opisyal sa Philippine Sports Commission (PSC) na nag-aatrasan na ang mga atleta sa athletics at swimming matapos na hindi nakatanggap ng hinihinging permiso o kasulatan mula sa Department of Education (DepEd) para sa taunang internasyonal na torneo.
Mismong si DepEd Assistant Secretary Atty. Tonisito Umali ang umamin na hindi nito alam kung naipamahagi na ang hinihinging “request” at “excuse letter” ng mga unibersidad upang isali ang kanilang mga atleta sa torneo na tatampukan ng pitong iba pang bansa.
Idinagdag ng opisyal na hindi pinahintulutan ng ilang unibersidad na lumahok ang kanilang mga atleta habang tila nagdadalawang-isip na ang mga atleta mula sa probinsiya na lumahok sa torneo dahil sa walang matirhan at walang kasiguraduhan sa kanilang pagkain.
“Some of the schools had been waiting for the letter from DepEd while some universities had recalled their athletes because the event is so close to the UAAP and NCAA,” sinabi ng opisyal.
Sinabi naman ni Umali na umaasa ang Pilipinas sa golf, basketball, volleyball at wushu sa pagkukunan ng gintong medalya sa mga disiplinang paglalabanan sa torneong unang gaganapin sa bansa.
Kabuuang 1,593 kabataan ang nagkumpirma ng kanilang paglahok sa torneo sa pangunguna ng Indonesia (254), Thailand (266), Singapore (259), Malaysia (267), Brunei (157), nagtatanggol na kampeong Vietnam (118) at ang host Pilipinas na may pinakamaraming lahok na 272 atleta.
Ipiprisinta ng tinanghal na record breakers at pinakamahuhusay na batang atleta sa nakalipas na Palarong Pambansa sa Laguna ang kampanya ng Pilipinas.
Matatandaan na huling lumahok ang Pilipinas sa ginanap na 5th ASEAN Schools Games sa Hanoi, Vietnam kung saan ay nag-uwi ang delegasyon ng 3 tansong medalya sa boys’ volleyball, girls’ basketball at boys’ javelin throw.
Ilan sa pinaglalabang sports ay ang track and field, swimming, basketball, badminton, gymnastics, table tennis (ping pong), at volleyball. Kabilang din ang sepak takraw (kick volleyball) at pencak silat (martial arts).
Isasagawa naman ang ilang mga laro sa Marikina City Sports Complex, habang ang athletics sa PhilSports Arena at ang gymnastics sa Rizal Memorial Gymnastics Center.
Tumapos ang Pilipinas na pinakahuli sa 0-0-3 (ginto-pilak-tanso) medalya. Ang Vietnam ang tinanghal na overall title sa tinipong 50-27-23.
Sa kabuuan ay mayroon pa lamang na 1 ginto, 4 pilak at 9 tanso ang medalyang kinubra ng Pilipinas simula nang tawaging ASEAN Schools Games ang torneo.