Manalo man o matalo, tuloy ang biyahe ng Kia Sorento team patungong Macau upang mapanood ang laban ng kanilang playing coach na si Congressman Manny Pacquiao kontra sa Amerikanong si Chris Algieri.

Ito ang kinumpirma ng team manager ng Kia na si Eric Pineda na nagsabing kahit matalo sila sa laban nila kontra sa Barako Bull na kasalukuyang ginaganap ang laro kahapon habang sinasara ang pahinang ito sa PBA Philippine Cup.

Sa kabila umano ng kanilang nalasap na limang sunod na pagkatalo, makaraan ang unang panalo sa opening day laban sa baguhang Blackwater, hindi naman aniya lubhang nalulungkot si Pacquiao sa ipinapakitang laro ng kanilang players.

Katunayan aniya ay natuwa ito sa kanilang huling laban kontra sa Talk ‘N Text kung saan ay muntik na nilang masilat ang nakaraang taong finalist kung hindi sila kinapos sa second half.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file sa pagkasenador at party-list sa huling araw

Ayon kay Pineda, nakatakdang umalis ang buong team sa darating na Sabado patungong Macau para panoorin ang pagdedepensa ni Pacquiao ng kanyang World Boxing Organization (WBO) welterweight crown laban kay Algieri.

Pagdating sa Linggo ng hapon, bibiyahe na rin sila sa pamamagitan ng ferry patungong Hong Kong kung saan naman sila sasakay ng eroplano pabalik ng Manila dahil kinakailangan na nilang maghanda para sa susunod nilang laban sa Miyerkules.